Wala nang buhay at walang saplot nang matagpuan ang isang babaeng limang-taong-gulang sa General Santos City. Ang naarestong suspek, tumulong pa raw sa paghahanap sa biktima.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing gabi noong March 26 nang makita ang bangkay ng biktima sa madamong bahagi ng Barangay Apopong.
May busal na damit sa kaniyang bibig at walang saplot pang-ibaba ang biktima nang makita.
Base sa medico-legal report, hindi nakahinga ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Inaresto ng mga pulis ang suspek na si Edmar Senador, 50-anyos, matapos na ituro ng saksi na nagsabing nakita niyang nanggaling ito sa lugar kung saan natagpuan ang biktima.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang suspek sa bahay ng mga kamag-anak kung saan siyang nakikitira.
Ayon kay Police Colonel Paul Bometivo, City Director, Gensan Police, hindi nanlaban ang suspek nang arestuhin sa bahay at umamin umano sa ginawang krimen.
Sinabi ng tiyahin ng biktima, tumulong pa ang suspek sa paghahanap sa biktima. Pero nagduda daw sila dahil tila alam nito kung saan matatagpuan ang bata.
Nakatakda umanong iharap sa piskalya si Senador nitong Lunes ng umaga para sa isasampang reklamo pero nakitang siyang patay sa selda.
Ayon kay Bometivo, kaagad na dinala si Senador sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
"Baka na-cardiac arrest pero hindi pa namin nare-recieve po yung result ng post mortem examination, anang opisyal.
Tiniyak din ni Bometivo na magsasagawa sila ng imbestigasyon para alamin kung may foul play sa nangyari sa suspek.
Napag-alaman ng pulisya na mayroong warrant of arrests laban kay Senador para sa 14 counts ng qualified rape simula pa noong 2018. --FRJ, GMA News