Sa hindi pa malamang dahilan, biglang binugbog ng grupo ng mga lalaking naka-motorsiklo ang isang lalaki sa Rodriguez, Rizal noong Biyernes.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras” nitong Linggo, makikita sa CCTV footage na kausap ng biktima na si Vincent ang isang lalaking naka-motorsiklo. Maya-maya ay may dumating na ibang lalaking naka-motorsiklo rin, na bumaba at biglang sinugod ang biktima. 

Kahit na inaawat na sila ng guwardya, kinuyog nila si Vincent at hinabol papapasok ng subdivision hanggang siya ay matumba.

Ayon sa lola ng biktima, naroon sa subdivision si Vincent para sumundo sa isang kababata.

“Nagulat na lang po si Vince, andyan na. Sobrang dami po na naka-motorsiklo. Wala po kaming makitang dahilan, kasi hindi niya nga po kilala,” saad ni Lola Elsie Matalote.

“Pero for an innocent person waiting inside alone na ganunin nila, bakit po na halos patayin nila?” dagdag pa niya.

Nagtamo ng maraming sugat sa katawan at injury sa likod si Vincent kaya naka-brace siya ngayon.

“Under po siya ng trauma [at] depression. ‘Yung ulo niya, dahil karamihan po ng tama ay sa ulo, sumusuka siya. ‘Yung kamay hindi po maka-drive, ang nguso po, ang brace po nasira,” sambit pa ni Lola Elsie.

Pina-blotter na ni Lola Elsie sa Barangay Manggahan ang insidente.

Sa pamamagitan naman ng kanyang paghingi ng tulong sa Facebook, nagsulputan naman ang ilang sangkot sa pambubugbog sa nasabing barangay.

Nakatanggap rin umano sila Lola Elsie ng isang text message na humihingi ng pasensya, pero desidido na silang samapahan ng reklamo ang mga nambugbog.

“Ready na po kami kasi marami na pong nag-identify para po makausad kami dahil we want to seek justice po sa nangyaring pambubugbog,” ani na pa ni Lola Elsie.

Samantala, humingi naman ng pasensya ang guwardya ng subdivision dahil hindi niya maawat ang mga nambugbog kay Vincent dahil sa pagkabigla. — Mel Matthew Doctor/BM, GMA News