Tatlo sa anim na magkakaanak na tumatawid sa kalsada ang nasugatan matapos silang tamaan ng sumemplang na motorsiklo sa Pangasinan. Ang rider, tumakas.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera, ang magkakamag-anak naghihintay na makatiyempo na makatawid sa kalsada sa Barangay Camantiles sa Urdaneta City.
Nang wala nang sasakyan na dumadaan, tumawid na ang mag-anak. Pero nasa gitna pa lang sila ng kalsada nang may dumating na isang motorsiklo na mabilis ang takbo.
Bago makalapit sa mga biktima, dumausdos ang motorsiklo at tinamaan ang tatlo sa mga biktima at natumba sa kalsada.
Sa kabila ng nangyari, nagawa pa rin ng rider na makatakas at iniwan ang kaniyang mga biktima.
Laking pasasalamat ng biktimang si Richard Sampaga na hindi tinamaan ang kaniyang ina na matanda na.
Galing daw sila sa outing at dumaan sa Urdaneta para ihatid ang kamaga-anak bago sila umuwi sa Maynila.
Masama ang loob ni Richard na tinakbuhan sila ng rider.
"Willing naman ako magpatawad kasi alam ko na hindi naman niya sinasadya siguro nung bata. [Pero]hindi eh, ang siste tumakbo siya," ayon kay Richard.
Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng rider na taga-Manaoag, Pangasinan. Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya. --FRJ, GMA News