Binaril sa kaniyang sasakyan ang isang call center agent sa Bacolod City. Ang biktima, posibleng inabangan umano ng salarin, ayon sa pulisya.
Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Paul Angelo Diesto, 38-anyos.
Duguan at nakasubsob na sa semento ang biktima nang tadnan ng mga awtoridad sa Barangay 31 noong Miyerkules ng gabi.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng inabangan umano ng salarin ang biktima na makasakay sa kotse bago pinagbabaril.
Matapos ang krimen, tumakas ang salarin sakay naman ng isang naghihintay na kotse.
Papunta na raw sana sa trabaho ang biktima nang mangyari ang krimen.
Ayon sa mga kapitbahay, mabait ang biktima at wala silang alam na nakaalitan nito.
Umapela ang pulisya sa mga posibleng nakasaksi sa krimen na tulungan silang malutas ang kaso.
Naghahanap din ang mga awtoridad ng CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon. --FRJ, GMA News