Patay ang isang lalaking nakikipag-inuman nang bigla siyang yakapin at saksakin ng lalaking dayo sa kanilang barangay sa Tagudin, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Arsenio Ader Jr., 39-anyos, ng Barangay Parola.
Naaresto naman ang suspek na si Fernando Realin, 48-anyos, na umano'y dayo sa barangay. Nabawi sa kaniya ang patalim na ginamit umano sa krimen.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman ang biktima nang dumating ang suspek.
Niyakap umano ni Realin mula sa likod si Ader at saka sinaksak sa dibdib.
Nasawi ang biktima habang ginagamot sa ospital.
Idinagdag ng awtoridad na inihayag ng mga saksi na hindi kasama sa inuman ang suspek na bigla lang lumapit sa biktima.
Hindi naman malaman ng mga kaanak ng biktima kung ano ang dahilan para saksakin ng suspek si Ader.
Hindi raw nila lubos na kilala ang suspek na dayo lang daw sa kanilang lugar. Wala rin daw silang alam na alitan ng dalawa.
Ayon kay Angelica, kapatid ng biktima, humingi raw ng patawad ang suspek at sinabing bigla na lang umano siyang nawala sa sarili kaya nagawa ang krimen.
Inihayag ng mga awtoridad na wala ring binanggit na motibo ang suspek nang kanilang tanungin kung bakit niya sinasaksak ang biktima.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, na desididong kasuhan ng pamilya ni Ader. --FRJ, GMA News