Binaril ng riding in tandem ang isang naglalakad na kandidato sa pagka-alkalde sa Calamba, Misamis Occidental.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Purok Uno, Barangay SouthWest Poblacion habang naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktimang si George Matunog Jr.

Maya-maya lang, dumating ang magka-angkas na salarin na sakay ng motorsiklo at binaril si Matunog nang matapatan nila.

Kaagad na humarurot papalayo ang mga salarin habang napatumba naman ang biktima.

Hahabulin pa sana ng kasama ni Matunog ang mga salarin pero binalikan niya ang biktima para tulungan.

Hindi nagtagal, may dumating na sasakyan at dinala ang biktima sa ospital.

Ayon kay Police Lieutenant Michelle Olaivar, spokesperson, Police Regional Office-10, nagtamo si Matunog ng tama ng bala sa bandang kanan ng batok na tumagos sa pisngi.

Nakaligtas ang biktima sa naturang bigong pananambang.

Patuloy na hinahanap umano ng pulisya ang mga salarin.

Ayon kay Olaivar, kabilang sa pinag-aaralan nila na anggulo bilang motibo sa krimen ang pagiging kandidato ng biktima.

"But we do not concentrate on the alone," pahayag ng opisyal patungkol sa pagsusuri sa iba pang posibleng motibo sa nangyaring pamamaril.-- FRJ, GMA News