Masuwerteng nasagip ang dalawang turista na muntik nang malunod matapos silang "higupin" ng malakas na "current" ng dagat sa Baler, Aurora, .
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing mabilis na rumesponde ang rescue team upang tulungan ang dalawang turista na mula sa Pampanga na muntik nang malunod sa Sabang beach.
Malakas daw ang current sa baybayin kaya napunta sa malalim na bahagi ng beach ang dalawa, ayon sa awtoridad.
Surfing spot din umano ang beach kaya sadyang malakas daw ang alon sa lugar.
Ayon kay Patrolwoman Kristine Julian, rescuer ng Aurora 1st Police Mobile Force Company, bawal dapat maligo sa beach kapag may current, o kondisyon ng dagat na tila nasa ilalim ang alon.
"Parang ang nangyari, hinihigop sila nang hinihigop doon sa part na 'yon. Mga turista, hindi sila masyadong aware kung nasaan yung current," paliwanag niya.
Base imbestigasyon ng mga awtoridad, sasagipin sana ng isang biktima ang nalulunod na kasama pero siya man ang hinigop din ng alon.
Matapos na bigyan ng first aid, dinala sa pagamutan ang dalawa.
Dahil nasa Alert Level 1 na ang lugar, inaasahan na dadami na ang turista kaya pinapayuhan sila ng awtoridad na mag-ingat sa paliligo sa dagat. --FRJ, GMA News