Nagtamo ng matinding sugat ang tricycle driver at kaniyang sakay nang lumihis ito ng takbo at napunta sa linya ng kasalubong na multicab kaya sila nagkabanggaan sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, makikita ang driver ng tricycle na nakahandusay sa kalsada at hawak ang duguang ulo sa Barangay Bayubay sa bayan ng San Vicente.
Napag-alaman sa pulisya na kalalabas lang ng ospital ang isa sa mga sakay ng tricycle.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na nasa tamang linya ng kalsada ang multicab, habang ang kasalubong na tricycle ay lumihis ang takbo at napunta sa kabilang linya.
Dito na nasalpok ng multicab ang tricycle.
Ayon sa driver ng multicab na si Jose Oribello, hindi na niya naiwasan ang tricycle kahit nagpreno na siya.
Inihayag din ng pulisya na hindi muna na nag-usap ang magkabilang panig habang nasa ospital pa ang mga nasugatang sakay ng tricycle. --FRJ, GMA News