Patay ang isang abogadong tumatakbong konsehal sa Sto. Tomas City, Batangas, matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang opisina.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Atty. Reginald Michael Manito.

Binaril ng dalawang nakatakas na salarin si Manito sa kaniyang opisina sa Barangay Poblacion, nitong Huwebes ng umaga.

"Hindi makatao, walang puso [ang mga salarin]," hinanakit ni Lolita Manito, ina ng pinaslang na abogado.

Wala raw alam si Lolita na nakaaway ng kaniyang anak na inilarawan niyang mabait at matulungin lalo na sa mga mahihirap.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng mga salarin sa ginawang pagpatay sa biktima.

Bagaman kumakandidatong konsehal sa darating na halalan, hindi naniniwala si Lolita na pulitika ang dahilan kaya pinatay ang kaniyang anak.

"Mas malamang sa trabaho. Dahil may mga taong hindi matanggap ang pagkatalo," sabi ni Lolita na hangad na makamit ang hustisya para sa anak.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin na nakuhanan sa CCTV habang naglalakad. --FRJ, GMA News