Arestado ang isang Koreano at isang bugaw, habang nailigtas naman ng mga awtoridad ang dalawang babaeng menor de edad na kasama nila sa loob ng isang inn sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing sinalakay ng mga tauhan ng Anti-Cybercrime Unit-10 ng PNP, kasama ang mga taga-City Welfare Development Office, ang isang inn sa Barangay Kauswagan, matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa Koreanong nag-check in na may kasamang dalawang menor de edad na babae.
Inabutan ng mga awtoridad sa naturang establisimyento ang Koreano, ang dalawang babaeng menor de edad, at ang umano'y bugaw.
Iba't ibang gamit din ang nakuha sa suspek kabilang ang sex enhancer, isang maliit na pakete na hinihinalang shabu ang laman, at drug paraphernalia.
Inilagay sa pangangalaga ng CSWDO ang dalawang menor de edad na babae, habang nakakulong at sasampahan ng patong-patong na kaso ang Koreano at ang sinasabing bugaw. --FRJ, GMA News