Patay ang isang family driver matapos siyang hampasin ng bato sa mukha at putulan pa ng maselang bahagi ng katawan ng kaniyang among lalaki sa Davao City.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing isinugod ang 51-anyos na biktima sa Southern Philippines Medical Center pero binawian din ng buhay kinalaunan.
Sa imbestigasyon ng pulisya sa Tugbok District, sinabing kadarating lang ng biktima sa bahay ng kaniyang amo mula sa palengke noong Pebrero 14.
Kasama umano ng biktima ang asawa ng among suspek.
Bigla umanong hinampas ng suspek ng bato ang biktima sa mukha na dahilan para mawalan ito ng malay at saka itinali at pinutulan ng ari.
Nahuli ng mga awtoridad ang suspek na inaming pinutol niya ang ari ng biktima pero hindi raw niya ito hinampas ng bato.
Idinagdag ng suspek na hindi selos ang dahilan ng kaniyang galit sa biktima, Aniya, madalas daw na mag-cash advance ang biktima at humihingi ng dagdag na sahod.
Sinabi pa ng suspek na makikipag-areglo na lang siya sa kaanak ng biktima.
Inalis din ng pulisya ang motibong crime of passion sa nangyaring krimen.
Lumilitaw umano sa imbestigasyon na may problema sa pag-iisip ang suspek batay na rin sa mga dokumentong ipinakita ng pamilya nito.
Nakatakda na raw sanang dalhin sa rehab ang suspek noong Pebrero 15 pero nangyarin ang malagim na krimen noong Pebrero 14.
Gayunman, sinampahan pa rin ng kasong murder ang suspek at ipauubaya na sa korte ang magiging desisyon sa kaso.
--FRJ, GMA News