Kapuwa nasawi ang rider at kaniyang angkas nang salpukin ng isang armored van ang kanilang motorsiklo sa Candelaria, Quezon.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawi na sina Robert Buan, 29-anyos, at Peter Benitez, 50.

Isa pa ang nasugatan sa insidente na nagpapagaling sa ospital.

Kinilala naman ang driver ng van na si Crisanto Ela, na pinayagan ng piskalya na pansamantalang makalaya.

Ayon kay Patrolman Ariel Yupacina, ng Candelaria Police Station, mabilis at paliko-liko umano ang takbo ng van hanggang sa mapunta sa linya ng motorsiklo at masalpok.

Nagtamo ng matinding pinsala ang mga biktima sa lakas ng pagkakabangga.

"Parang may o-overtake-kan siya [van] na tricycle din," dagdag ng pulis.

Sinampahan umano si Ela ng reklamong reckless imprudence resulting to double homicide at serious physical injury.

Pero ayon kay Yupacina, matapos na magkausap ang driver at pamilya ng mga biktima, pinayagan ng piskalya na pansamantalang makalaya si Ela para asikasuhin ang mga napagkasunduan.

Muli umanong maghaharap ang dalawang panig sa Biyernes. --FRJ, GMA News