Patay ang isang babaeng konsehal ng barangay at ang kaniyang mister matapos silang pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay sa San Fernando, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang mag-asawang biktima na sina Barangay Balungag Councilor Maria Louella at mister niyang si Peter.

Ayon sa pulisya, gabi noong Linggo at naghahanda ng hapunan ang mag-asawa para kumain sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang mga salarin at pinagbabaril ang mga biktima.

Kaagad na nasawi ang mag-asawa at nakaligtas naman ang kanilang mga anak.

Pinagnakawan pa umano ng nasa limang salarin ang bahay ng mga biktima at tinangay ang mga pera at alahas.

Hinihinala ng ina ni Maria Louella na posibleng pulitika ang motibo sa krimen dahil tatakbong municipal councilor ang kaniyang anak sa darating na eleksiyon.

Sinabi naman ng tiyuhin ng konsehal na may ilang negosyo rin ang kaniyang pamangkin katulad ng sabong.

Pero wala umanong siyang alam kung may nagbabanta sa buhay ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at kabilang sa mga tututukang anggulo sa krimen ay ang pulitika, negosyo o personal na away.--FRJ, GMA News