Mula sa isang kuwadra sa Malvar, Batangas, sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na wanted sa kasong panghahalay sa isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip.

Sa ulat ni Mae Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing March 2020 nang magsimulang magtago ang suspek na si Alvin Cruz.

Ayon sa Sampaloc Police, base sa reklamo ay dinala umano ni Cruz, dating jeepney driver, ang kaniyang biktima sa isang motel at doon pinagsamantalahan.

Nang nalaman ng pamilya ang biktima ang nangyari, kaagad silang nagsumbong sa pulisya at nagsampa ng kaso laban kay Cruz.

Pero nagtago umano si Cruz nang lumabas na ang arrest warrant laban sa kaniya.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya at sinabing napagbintangan lamang siya.--FRJ, GMA News