Siyam ang patay at tatlo ang sugatan nang tambangan ang grupo ni Pages Mamasainged aka Kumander Black Magic, habang patungo umano sa isang "Rido" settlement sa Maguindanao noong Sabado.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, bukod kay Kumander Magic, nasawi rin sina Sadam Mamasainged, Sadre mamasainged, Johahari Mamasainged, Kamaro mamasainged, at apat na iba pa.

Dinala naman sa pagamutan ang tatlong sugatan.

Sakay ng tatlong SUV ang mga biktima at patungo sana sa Datu Saudi Ampatuan nang tambangan sila sa Barangay  Kalumamis sa Guindulungan, Maguindanao.

Ayon kay Police Brigadier General Arthur Cabalona, Regional Director PRO-BARMM, lumilitaw sa paunang imbestigasyon na away ng pamilya ang ugat ng krimen.

Sa naunang mga ulat, sinabi ng Maguindanao Police Provincial Office, miyembro umano si Kumander Black Magic ng Inner Guard base command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces of the Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi naman ni Maguindanao Police spokesperson Police Lieutenant Fayeed Cana, patungo sana ang grupo ng mga biktima para sa Datu Saudi Ampatuan para sa "rido" settlement sa isang pamilya sa Barangay Kalumamis.

Ayon naman kay BARMM Regional Police Office PIO Police Lieutenant Colonel Cristio Lagyop Jr., na matagal nang mayroong alitan ang grupo ng mga biktima at ang grupo ng mga suspek.

Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA News