Nasawi ang isang ginang nang masalpok ng van ang sinasakyan niyang tricycle sa San Jose City, Nueva Ecija. Ang driver ng tricycle, mister ng biktima na bulag ang isang mata.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Anita Ecleo, 53-anyos.
Sugatan din ang mister ni Anita na si Joseph, pati ang isa nilang anak at isa pang kasama.
Sa kuha ng CCTV camera sa intersection sa Maharlika Highway, makikitang tumawid ang tricycle na minamaneho ni Joseph nang bigla silang salpukin ng humaharurot na van.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tricycle.
Hindi na nakita sa CCTV pero tumilapon umano palabas ng tricycle ang mga sakay nito.
Ayon sa isang anak ng biktima na si Honie, pauwi na sana ang kaniyang mga magulang at kapatid nang mangyari ang insidente.
"Dadaan lang, bibili ng tinapay. Yung truck napalampas pa nila, nalingon ni papa sa kaliwa, sa kanan nakita naman niyang malayo pa ang van. Hindi naman niya sukat akalain na maabutan pa sila [ng van]," kuwento niya.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing parehong hindi nagmenor ang dalawang sasakyan sa naturang crossing.
"Approaching main road, dapat titingnan niya muna bago siya mag-proceed. Yung driver [ng tricycle] PWD [person with disability], iisa yung mata. Tapos may edad na rin si tatay. Matulin din yung van, 'yon lang ang isang pagkakamali ng [ng driver] ng van," ayon kay Police Corporal Jefferson Cantor, investigator, San Jose City Police.
Ayon kay Honie, walang lisensiya ang kaniyang amang PWD.
Sinabi ng pulisya pansamantalang nakalaya ang driver ng van matapos magbigay ng insyal na tulong pinansiyal at nangakong tutulong sa gastusin sa pagpapalibing sa biktima.
--FRJ, GMA News