Umani ng paghanga ang ginawang pagiging kalmado ng isang pulis sa nag-viral na video matapos siyang sampalin at sipain ng isang babae sa labas ng isang mall sa Santiago City, Isabela.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa video si Patrolman John Paul Sudario ng Traffic Enforcement Unit, habang katabi ang isang security guard at ang babaeng nanakit.
Naunang hinablot ng babae ang face mask ng guwardiya. Kinausap siya ni Sudario pero sinampal at sinipa siya ng babae.
Ayon sa pulisya, nagtungo sa naturang establisimyento si Sudario matapos silang makatanggap ng tawag na humihingi ng responde ng pulis.
Nagsisigaw daw ang babae sa loob ng mall nang hindi niya mabili ang gustong cellphone dahil kulang ang kaniyang pera.
Kinalaunan, nalaman na mayroong problema sa pag-iisip ang babae.
Hinangaan ng netizen si Sudario dahil sa ipinakita niyang pagiging kalmado sa kabila ng pananakit sa kaniya ng babae.
"Dahil babae po 'yon, pinairal ko po ang maximum tolerance dahil alam po natin na mali po na saktan natin ang isang babae," paliwanag niya.
--FRJ, GMA News