Nauwi sa trahediya ang planong paliligo sa dagat ng nasa 50 katao nang maaksidente sa daan ang sinasakyan nilang truck sa Balingasag Misamis Oriental, at nagresulta sa pagkasawi ng 12 katao, kabilang ang ilang bata.
Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa amateur video ang pagsisikap ng mga tao na maiangat ang nakabaligtad na six-wheeler truck sa Barangay Baliwagan noong Miyerkules.
Makikita rin ang maraming sakay ng truck na nakaupo at nakahiga sa daan malapit sa truck na nawalan umano ng preno kaya naaksidente.
Siyam ang kaagad na nasawi sa aksidente, at tatlo pa ang pumanaw sa pagamutan kinabukasan. Sugatan naman ang iba pang mga sakay.
Ayon sa pulisya, pawang mga barangay official ng Barangay Aposkahoy sa Claveria, at mga kaanak nila ang sakay ng truck.
Papunta sana ang mga biktima sa bayan ng Lagonglong para maligo umano sa dagat.
Hindi maiwasan ng ilang kaanak ng nasawi na sisihin ang driver ng truck sa nangyaring sakuna dahil hindi umano sinuring mabuti ang kondisyon ng sasakyan.
Ang isa sa mga biktima, nawalan ng asawa at dalawang apo sa trahediya.
Nakaligtas sa disgrasya ang driver ng truck na sasampahan ng patong-patong na reklamo.--FRJ, GMA News