Patay ang isang batang babae matapos makulong sa nasusunog nilang bahay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Iniulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na nangyari ang sunog sa Purok 4, Barangay San Jose Norte, Martes ng madaling-araw.
Ayon sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), tulog ang isang taon at pitong-buwang paslit, at ang 13-anyos niyang kuya nang biglang magliyab ang isang bahagi ng kanilang kwarto.
Tumakbo palabas ng bahay ang kuya upang humingi ng tulong. Naiwan sa loob ang bata.
Mabilis na tinupok ng apoy ang bahay dahil sa gawa ito sa light materials, dagdag ng BFP, at nahirapan umano silang pumasok sa lugar dahil makitid ang daanan.
Ayon sa mga bumbero, nasa labas ang mga magulang ng biktima nang mangyari ang sunog, at wala pa silang pahayag.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng apoy. —LBG, GMA News