Isang babae sa Meycauayan, Bulacan ang timbog matapos mahulihan ng nakaw umanong SUV.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kita ang babaeng pinangalanang si Mary Jean Aranas na hinanapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng proof of ownership sa sasakyang dala-dala nito sa isang talyer.
Walang naipakitang ebidensiya si Aranas na kanya ang SUV na nawawala umano kaya inaresto siya ng mga operatiba.
Ayon sa NBI, noong Nobyembre 19 ay isang lalaki raw ang nagpaalam upang i-test drive ang SUV na pagmamay-ari ng isang 72-anyos na overseas Filipino worker. Tuluyan na raw itong tinangay at hindi na ibinalik matapos rentahan.
Paliwanag ni Aranas sa NBI, pinagpalit lamang niya ang kanyang sariling sasakyan sa naturang SUV na hindi niya raw alam ay isang “hot car”.
“Wala siyang pinakitang dokumento na nag-swap sila. Hindi man ikaw ang kumuha ng sasakyan, constructively possession mo ‘yung sasakyan, ikaw ang presumably under the law kasi malum prohibitum ‘yan eh,” sabi ni NBI Region 3 Assistant Regional Director Noel Bocaling.
“Under the law, ikaw ang may accountability doon sa stolen automobile na gamit-gamit mo,” dagdag ni Bocaling.
Depensa naman ng abogado ng suspek na si Atty. Mark Carrido ay walang carnapping na naganap at naipit lang ang suspek sa nangyari.
“Definitely she is innocent and we have evidence na may receipt, na nagbabayad itong kliyente ko. Napatunuyan ng fiscal’s office na walang carnapping ang nangyari kaya fencing ang naikaso lang,” ani Carrido. —Giselle Ombay/KG, GMA News