Isang bagong silang na sanggol na nakasilid sa paper bag ang iniwan sa loob isang simbahan sa Molo, Iloilo City.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV News, isang guwardiya sa St. Anne Parish ang nakakita sa sanggol noong Sabado ng gabi.

Isasara na umano ng guwardiya ng simbahan nang makita niya ang paper bag.

Nang tingnan niya ang laman nito, bumungad ang isang sanggol na babae na nakakabit pa ang pusod.

Iniulat niya ito sa pulisya at isinugod sa pagamutan ang sanggol pero binawian na ito ng buhay.

Matapos bendisyunan, inilibing na ang sanggol.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung sino ang nag-iwan ng sanggol.--FRJ, GMA News