Patay ang dalawa umanong mga rebeldeng komunista sa bakbakan sa bayan ng Sampaloc sa lalawigan ng Quezon noong Miyerkules, November 17, 2021.

Ayon sa inisyal sa report ng Sampaloc Municipal Police Station, napatay ng mga tauhan ng Philippine Army ang dalawa umanong rebelde sa nangyaring bakbakbakan sa Barangay Taquico na naturang bayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jorge Coronacion, 62, isang person with disability (PWD); at Arnold Buri, 43, na residente ng Sampaloc.

Photos by Peewee C. Bacuño
Photos by Peewee C. Bacuño


Pinasinungalingan naman ng mga kaanak ng dalawa ang pahayag ng militar dahil lihtimong mga residente ng bayan ang dalawa at hindi mga miyembro ng NPA (New people's Army). Dagdag pa nila, si Jorge ay isang PWD dahil bulag ang isang mata nito.

Ayon sa report ng mga pulis, dakong alas-6:48 ng gabi noong November 17 nang matanggap nila ang impormasyon mula sa tropa ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army na nagkaroon ng encounter sa Barangay Taquico kung saan ay may dalawang miyembro ng rebeldeng grupo ang napatay.

May mga narecover din umano na ilang baril at bala sa lugar na pinangyarihan ng encounter.

Ito rin ang sinasabi sa Facebook page ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon sa mga kaanak ng dalawa, bulag daw ang isang mata ni Jorge kung kaya’t paano ito magiging NPA. Mahirap lang daw ang pamilya ng dalawang napatay, saan daw kukuha ang mga ito ng pambili ng baril. Si Arnold ay tao lamang at nakikisaka sa lupa ng isang pulitiko.

Ipinagtataka din ng mga kaanak at residente sa Barangay Taquico ang sinasabing encounter ng Philippine Army. Wala naman daw silang naririnig na putukan sa kanilang lugar noong Novermber 17. Tabing-daan lang at hindi kalayuan sa sentro ng bayan ang pinangyarihan ng sinasabing encounter.

Ayon kay Police Lt. Alice Atienza, hepe ng Sampaloc MPS, nagpapatuloy daw ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa nangyaring armed encounter. Patuloy din daw ang kanilang pagkalap ng ebidensya upang magsampa ng kaso.

Ayon kay Barangay Captain Eliseo Mancenido, kilalang kilala raw niya ang dalawang napatay. Hindi raw NPA ang mga ito. Kahit kailan daw ay hindi nagkaroon ng masamang record sa kanilang barangay ang dalawa.

Ayon naman kay Sampaloc, Quezon Mayor Gelo Devanadera, sobrang nalulungkot daw siya at ang kanyang mga kababayan dahil ang dalawang nasawi ay lehitimong residente ng kanilang bayan. Ginagawa daw nila ang lahat para matulungan o mabigyan ng assistance ang mga naulila. Nakausap na rin daw niya ang Philippine Army at humihingi siya ng report ukol sa pangyayari.

Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng dalawang mahirap na magsasaka ng bayan ng Sampaloc.

Sa ngayon,  nakaburol ang mga labi ni Jorge at Arnold sa kani-kanilang tahanan sa bayan ng Sampaloc. —LBG, GMA News