Arestado ang isang barbero matapos magtangkang saksakin ang kanyang customer na nagreklamo dahil hindi nasunod ang gusto niyang gupit.

Ayon sa ulat sa “Unang Balita” nitong Biyernes, nakuhanan sa CCTV ng isang barber shop sa Lucena City, Quezon ang dalawang lalaki na tila nagsasakitan.

Ang isa dito ay ang barbero ng mismong shop at may hawak itong gunting. Ang isa naman ay ang kanyang customer.

Ayon sa pulisya, hindi raw nasunod ang gustong gupit ng customer.

Pinapaayos sana nito sa barbero ang gupit pero nauwi ito sa pagtatalo.

Tinangka pang saksakin ng barbero ang customer gamit ang kanyang gunting. Lumaban naman ang biktima para sa protektahan ang kanyang sarili.

Samantala, inaresto na ang suspek at nahaharap sa kasong attempted homicide.

Sa ngayon ay hindi pa ito nagbibigay ng pahayag patungkol sa pangyayari. —Sherylin Untalan/LBG, GMA News