Nananawagan ang isang pamilya sa San Jacinto, Pangasinan na ibalik sa kanila ang abo ng kanilang mahal sa buhay na nasa loob ng isang porcelain urn jar na nawala sa loob ng sementeryo.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing laking gulat ng pamilya De Guzman nang malaman na wala na ang urn sa keep safe box na may kandado sa loob ng public cemetery ng San Jacinto.
"Nagulat kami. Sabi nga kapatid ko, 'Ano ba naman 'yon patay na nga ang asawa ko nanakawin pa pati abo," ayon sa kamag-anak.
Tiwala raw ang pamilya na hindi pag-i-interesan ang urn jar na gawa sa porcelain na nagkakahalaga raw ng P7,000.
Hiling ng pamilya, ibalik ang abo ng yumao nilang kaanak kahit hindi na ibalik ang mismong urn.
Ayon sa caretaker ng sementeryo, posibleng Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw nang nakawin ang urn. Nakita pa raw niya kasi ang urn noong Sabado ng maghapon at kinabukasan ay day-off niya.
Nakipag-uganayn na rin ang pamilya De Guzman sa ilang funeral homes sakaling may magbenta ng urn jar. --FRJ, GMA News