Niluwagan na ng Cebu City government ang kanilang rekisito sa mga magpupunta sa lungsod matapos ibaba sa Alert Level 2 ang quarantine status sa kanilang lugar.
Sa inilabas na direktiba ng lokal na pamahalaan, maaari nang hindi magpakita ng COVID-19 results ang mga papasok sa lungsod basta may maipakikitang patunay na fully vaccinated na sila.
Bukod sa official vaccination card na may QR code, dapat ding ipakita ng mga magpupunta sa Cebu City ng valid identification document/ proof of identity na may kasamang larawan at pirma.
Kung wala pang bakuna o hindi pa fully vaccinated, dapat magpakita ng negative RT-PCR test result, na kinuha sa loob ng 72 oras.
Puwede rin ang negative antigen test na kunuha naman sa loob ng 48 hours, o ang negative saliva test results na kinuha sa loob ng 48 hours.
Sinabi rin ng lungsod na tatanggapin ang COVID-19 test results na mula sa mga Department of Health accredited laboratories. — FRJ, GMA News