Inaresto ng mga awtoridad sa Bacolod City ang isang miyembro ng LGBTQ+ community dahil sa reklamo ng isang binatilyo na tinatakot siya ng suspek na ikakalat ang maseselan niyang larawan matapos siyang tumanggi na makipagkita na rito makaraan na magtalik sila.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa entrapment operation sa isang kainan.
Kunwaring pumayag ang 17-anyos na biktima na makipagkita sa suspek at nang magkaharap na sila ay inaresto na siya sa mga operatiba.
Nakuha sa suspek ang kaniyang cellphone na naglalaman ng mga sensitibong larawan ng biktima. Mayroon din umanong audio recording ang suspek ng pagtatalik nila ng biktima na walang pahintulot ng binatilyo.
Ayon kay Atty. Renoir Baldovino, Agent in Chief, NBI-Bacolod, nagkakilala ang suspek at biktima sa online noong nakaraang taon.
Sinamantala umano ng suspek ang kagipitan ng binatilyo na gustong magkaroon ng bagong cellphone.
Nag-alok umano ang suspek na bibigyan ng cellphone ang biktima kapalit ng pakikipagtalik.
Ayon sa biktima, binigyan siya ng P2,000 ng suspek pero wala ang cellphone.
Dahil nakonsensiya sa kaniyang ginawa, tumanggi na ang biktima na makipagkita sa suspek, at doon na raw siya sinimulang takutin nito.
Napag-alaman na nagtatrabaho sa Maynila ang mga magulang ng biktima, at ang kaniyang lola ang nag-aalaga sa kaniya.
Nagsumbong ang binatilyo sa kaniyang lola, at humingi sila ng tulong sa NBI kaya naaresto ang suspek.
Sa bilangguan, itinanggi ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya.
Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek kabila na ang paglabag sa Anti-Child Pornography Act, paglabag sa Anti- Voyeurism Act, at ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination.--FRJ, GMA News