Hindi tumigil ang isang lalaki sa pagbibigay ng CPR o cardiopulmonary resuscitation sa isang batang babae na nalunod sa beach sa Malay, Aklan.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, ipinakita ang video habang nagsasagawa ng CPR si Johnbon Tumaob sa walang malay na bata na tatlong-taong-gulang.
Ayon kay Sheng Mendoza na nag-upload ng video sa social media, kasama niya si Tumaob sa lugar nang may madinig silang humihingi ng tulong.
Kaagad na kumilos si Tumaob at nagbigay ng CPR sa bata na wala nang malay.
Nagbunga naman ang ginawa ni Tumaob dahil nagkamalay ang bata at naisuka nito ang tubig.
Kasunod nito ay dinala na ang bata sa ospital para mamonitor ang kalagayan.
Napaglaman na dating miyembro ng Malay Disaster Risk Reduction and Management Council si Tumaon na umani ng paghanga sa mga netizen sa kaniyang ginawang pagligtas sa bata.--FRJ, GMA News