Sa kulungan ang bagsak ng isa umanong hitman matapos niyang barilin ang isang lalaki sa Calamba, Laguna. Ang suspek, sangkot din sa ilang insidente ng pamamaril sa Calabarzon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa video ng Calamba City Police nitong Setyembre 15 ang pagtakbo ng mga tao palayo sa lugar ng pamamaril sa Barangay Barandal, ng nasabing lungsod.
Bagama't hindi na nakunan ang aktwal na pamamaril, nakita sa CCTV ang mga patakas na suspek mula sa crime scene.
Kritikal sa ospital ang 51-anyos na biktimang si Elpidio Fernandez, na sapul sa ulo.
"May pointer sila diyan, ina-identify nila kung sino 'yung target, then naka-motor sila. Pagka nai-spot-an nila 'yung target nila babarilin nila roon. Immediately ang ginawa ng tropa natin nag-backtrack ng mga CCTV doon sa upland," sabi ni Police Colonel Arnel Pagulayan, chief of police ng Calamba City.
Nadakip sa hot pursuit ang primary target ng Calamba City Police na si John Marco Sandoval, umano'y hitman sa pamamaril sa Calamba at tatlo pang shooting incident sa Laguna at Batangas.
Natunton ng pulisya ang area ng suspek sa tulong ng ilang saksi at CCTV.
Nakuha sa kaniya ang motor na ginamit sa krimen, isang cal-.45 na baril, cellphone at mga pekeng ID, kabilang ang isang military ID na may mukha ng suspek pero iba ang nakalagay na pangalan.
Ayon kay Pagulayan, mayroong apat na warrant of arrest ang suspek para sa murder, homicide, direct assault at usurpation of authority.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng naaresto. -Jamil Santos/MDM, GMA News