Patay ang isang 10-anyos na batang lalaki sa Barangay Kinatakutan, Tagkawayan, Quezon matapos itong matuklaw ng isang cobra pasado alas-nuwebe ng umaga noong Martes.
Kinilala ang biktima na si Sean Joseph Abrigo.
Kuwento ni Annaliza, ina ng bata, sakay sila ng motorized skates o trolley habang pauwi sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.
Binabaybay ng trolley ang riles ng tren sa bahagi ng Barangay Kinatakutan ng bigla nalang bumagal ang takbo nito hanggang sa tuluyang huminto ito.
Nang silipin ng operator ng trolley ang ilalim nito ay dito na nakita ang malaking cobra na nakaipit sa gulong. Pumalag ang ahas at sinugod ang operator.
Maswerte raw na nakailag ang operator ng trolley nang sugurin at tuklawin. Mabilis na nagtalunan ang iba pang pasahero ng trolley at naiwan ang batang biktima.
Doon na tinuklaw ng cobra ang bata. Matapos makagat ang bata ay umalis na umano ang ahas at doon pa lang nakuha ng kanyang ina ang biktima.
Ayon sa operator ng motorized trolley agad niyang tinalian ang tuhod ng bata upang hindi na raw kumalat ang kamandag.
Dinala nila ang bata sa isang albularyo sa barangay upang ipagamot. Makalipas ang ilang minuto ay dinala na ang bata sa sentro ng bayan ng Tagkawayan at muling idinaan sa isa pang albularyo.
Habang ginagamot daw ng albularyo ang bata ay umiiyak na ito sa sobrang sakit kung kaya’t nagpasya na silang dalhin ito sa Tagkawayan General Hospital (TGH).
Bago sila matungo sa TGH ay muli daw silang dumaan sa isa na namang albularyo. Doon na nila napansin na nangingitim na ang bata at hindi na makapagsalita ng maayos.
Pagdating sa TGH ay nagdesisyon ang mga staff ng pagamutan na agad ilipat ang bata sa Bicol Medical Center kung saan merong antivenom.
Dahil hindi na raw makahinga ang bata ay kinabitan na ito ng respirator at ipinasok sa ICU. Sinubukan pa ng mga doktor na isalba ang buhay ng bata subalit binawian din ito ng buhay.
Ayon kay Emerson Sy, isang herpetologist at wildlife researcher, highly venomous daw talaga ang Philippine Cobra.
Ang mga nakita raw na dinanas ng batang nakagat ay palatandaan na cobra nga ang kumagat dito.
Madalas din daw napagkakamalang almuranin o Rat Snake ang Philippine Cobra dahil minsan ay hindi nagkakalayo ang hitsura nito.
Ayon sa ina ng bata, nawa ay magsilbing aral sa lahat ang nangyari sa kanila.
Kung sakaling may makagat daw ng ahas ay dalhin kaagad sa doktor ang biktima at 'wag kung saan-saan pa.
Magtiwala daw sa mga doktor dahil mas alam ng mga ito ang dapat gawin. Sobrang masakit daw sa kanila ang nangyaring trahedya. Mamimiss daw nila ang kanilang anak.
Ayon kay Doctor Kevin Matundan, former World Health Organization physician at isang Public Health Practitioner, pangkaraniwan daw talaga ang snake bites sa mga tropical countries partikular sa Pilipinas.
Sa Pilipinas pa lang daw ay mayroong lampas 100 klase ng ahas. Mayroon daw tatlong klase ng toxins na makikita sa kamandag ng ahas.
Ipinaliwanag din ni Dr. Matundan ang mga dapat, at hindi dapat gawin kapag nakagat ng ahas.
Huwag din daw papatayin ang mga ahas. Hindi naman daw talaga nanunuklaw ang mga ito. Hindi rin umaatake sa tao maliban nalang kung ma-corner sila.
Nasa isang tropical country daw tayo, kaya kailngan nating masanay mamuhay na kasama ang mga ahas.
Sa ngayon daw ay tanging antidote pa lang para sa Philippine cobra ang available sa Pilipinas. Wala pa raw antidote sa ibang makamandag na ahas.
Payo ni Doc Matundan, magingat tayo sa lugar na may mga ahas. —LBG, GMA News