Naging instant tourist spot ang Purok Lower Putingbato sa Barangay Calumpang sa General Santos City dahil sa paglapit sa baybayin ng isang dambuhalang butanding.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing may maliliit na isda sa lugar na kinakain ng butanding.

Ito raw ang unang pagkakataon na may nakitang butanding sa Barangay Calumpang. Pero hindi naman ito ang unang pagkakataon na may butanding na napadpad sa baybayin ng GenSan.

Napag-alaman na noong nakaraang linggo, isang butanding din ang nakitang lumapit sa dalampasagin sa bahagi naman Barangay Dadiangas South.

Nagtungo na ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Barangay Calumpang at sinabihan ang mga tao na huwag hahawakan ang mga butanding para hindi ma-stress.--FRJ, GMA News