Patay ang isa sa dalawang drivers ng isang oil tanker matapos itong maipit sa ilalim nang tumagilid ang kanilang truck sa Diversion Road, Sta. Catalina, Atimonan, Quezon.

Nangyari ang aksidente pasado alas-diyes ng umaga nitong Sabado.

Patungo sana sa Bicol ang oil tanker truck ng mawalan ito ng preno sa pababang bahagi ng highway.

Hindi na umano na-control ng driver ang manibela, at sumadsad ang truck sa gilid ng bundok, ayon sa report ng Atimonan Municipal Police Station.

Photo courtesy of Atimonan Municipal Police Sation
Photo courtesy of Atimonan PIO

Agad naman na nakatalon ang isa sa mga driver habang naipit sa loob ang isa pa.

Sinubukan pa ng mga rescuer na isalba ang buhay nito subalit nasawi din ito. Isinugod sa pagamutan ang sugatang driver.

Tumagal ng halos 40 minuto ang ginawang retrieval operation. Gumamit pa ng boom truck ang mga rescuer upang makuha ang isang driver na naipit.

Maswerteng walang ibang nadamay sa aksidente.

Ayon sa mga awtoridad, ang lugar na pinangyarihan ay accident-prone area umano, kaya’t pinag-iingat ang mga nagdaraan dito. —LBG, GMA News