Nais ng mga kaanak ng isang 69-anyos na lola na mapapanagot ang mga taong nanakit umano sa biktima sa Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, napag-alaman na iniluwas sa Metro Manila ng mga kamag-anak ang lola na hindi binanggit ang pangalan dahil na rin sa usapin ng seguridad.
Nasagip daw ang lola nang humingi ng tulong ang mga kamag-anak nito sa punong barangay ng Beleng, at dinala ang matanda sa Metro Manila.
Bago nito, nakuhanan ng video noong Pebrero ang biktima na kinaladkad at binuhat ng ilang kalalakihan.
Sa isa pang video na kuha noong Hunyo, makikita naman ang matanda na umiiyak at may dugo sa kilay.
Kinumpirma ng matanda ang ginawang pananakit sa kaniya ng mga kalalakihan.
Hindi naman daw kaagad nalaman ng mga kamag-anak ang nangyayari sa biktima kaya hindi siya kaagad nasagip.
Napag-alaman na dating nakatira ang lola sa loteng pinangyarihan ng umano'y pananakit. Pero binawi na raw ng may-ari ang lote.
Ngunit dahil nakagawian na ng matanda ang paninirahan sa lugar, bumabalik siya doon kaya nangyari ang pananakit.
Gayunman, iginiit ng kamag-anak ng biktima na hindi nararapat na saktan ang kaniyang lola dahil na rin sa edad nito.
Nangako ang kapitan ng barangay na magsasagawa ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga sangkot sa pananakit.
Samantala, sinisikap pa na matukoy ang mga taong inaakusahang nanakit sa biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News