Nasawi ang isang sundalo matapos pasabugin ang isang improvised explosive device (IED) sa isang checkpoint sa Lamitan City, Basilan.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa checkpoint sa barangay Campo Uno.
Sinabi ng mga awtoridad na tatlong tao ang umatake sa checkpoint, kung saan binaril ng isang suspek ang sundalo ng 68th Infantry Battalion, at kinuha ang kaniyang baril bago tumakas.
Sugatan din ang isa pang kasamahan ng biktima.
Patuloy na inaalam ng Joint Task Force Basilan kung planted o itinapon sa checkpoint ang IED at kung sino ang nasa likod ng pag-atake. —Jamil Santos/LBG, GMA News