QUEZON - Umabot na sa 20,114 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Quezon nitong Martes.
Base sa tala ng Integrated Provincial Health Office, 17,271 dito ang gumaling na, 956 ang nasawi at 1,887 naman ang aktibong kaso.
Nakakabahala rin ang pagtaas ng mga kaso ng Delta variant ng coronavirus na unang na-detect sa India, dahil umakyat na ito sa 27 nitong Agosto 29. Lima dito ang aktibong kaso, 18 ang gumaling na at apat naman ang nasawi. May limang iba pa ang ngayon ay biniberipika.
May naitala namang isang kaso ng Alpha variant sa Lucena at ito ay gumaling na. Unang na-detect ang Alpha variant sa United Kingdom.
Samantala, nagkaroon ng dalawang kaso ng Beta variant — isa sa Lucena at isa sa Sariaya — at pareho na rin silang gumaling. Na-detect sa South Africa ang nasabing variant.
Dahil sa mabilis na pagdami ng mga pasyenteng may COVID-19, nagdeklara na ng full capacity ang dalawang malaking pribadong pagamutan sa Lucena City.
Hindi na raw muna tatanggap ng pasyente ang Mt. Carmel Diocesan General Hospital at ang Lucena United Doctors Hospital and Medical Center. Halos mapuno na rin ang iba pang pagamutan.
Ang Lucena City pa rin ang nangunguna sa dami ng mga nagpopositibo sa COVID-19. Umabot na sa 4,023 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Lucena. Nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang lungsod. Ang MECQ ay ang transition phase mula sa pinakahigpit na quarantine, ang enhanced community quarantine, at ang mas maluwag na general community quarantine.
Nitong Martes ay binuksan na ang molecular laboratory ng local government unit sa bayan ng Mauban, Quezon. Ito ang pinakamalaki at kauna-unahang molecular laboratory ng isang LGU sa buong lalawigan ng Quezon. Kaya nitong tumanggap ng 200 pasyente bawat araw.
Dumalo sina Quezon Governor Danilo Suarez, Mauban Mayor Marita Llamas at mga kinatawan ng Department of Health - Calabarzon.
Bukas din ang laboratoryo para sa mga taga-ibang bayan ng lalawigan.
Naipatayo ang molecular laboratory mula sa pondo ng LGU. —KG, GMA News