Hinihinala ng mga awtoridad na iisang riding in tandem lang ang nasa likod ng serye ng pamamaril sa Batangas, na kabilang sa mga biktima ay isang punong barangay, negosyanteng babae at overseas Filipino worker.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video na kuha ng CCTV sa ginawang pamamaril sa OFW na nag-aayos ng kaniyang sasakyan sa Lipa City.
Sa bisa ng arrest warrant, naaresto ang sinasabing driver ng motorsiklo na si Raymundo Cortas.
Inamin ni Cortas na siya ang rider nang barilin ang OFW.
Sa dalawa daw nilang tinarget, nakatanggap siya ng P16,000.
Handa raw siyang makipagtulungan sa mga awtoridad habang tinutugis ang kasama niyang bumaril sa mga biktima.
Si Lipa City Mayor Eric Africa, nag-alok ng P600,000 bilang pabuya para maaresto ang gunman. --FRJ, GMA News