Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Region 11 na may dalawang indibidwal na naturukan ng magkaibang brand ng bakuna laban sa COVID-19 sa kanilang first at second dose sa Davao region.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro, sinabing hindi pa nagbibigay ng detalye ang DOH Davao region tungkol sa lugar na pinangyarihan ng insidente at kung anong brand ng mga vaccine ang ginamit.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa nangyari.
"Ang rason ng staff na-mislook niya. So ang ginawa natin ngayon, kailangan sa vaccination site, magsa-submit talaga sila ng incident report. Hindi natin ito pinapayagan, pero dahil nangyari na, kaya kailangan mag-submit sila ng incident report," sabi ni DOH-11 Director Dr. Anabelle Yumang.
Samantala sa Bicol region, inaprubahan ng DOH Region 5 ang pagturok ng ibang brand ng COVID-19 vaccine sa mga indibidwal na nakaranas ng severe allergic reaction sa unang dose.
Gayunman, kailangang magpa-test muna ang magpapabakuna at ikonsulta sa doktor ang naranasang allergy bago mapalitan ang kaniyang bakuna sa second dose.
Magrerekomenda ng ibang brand ang DOH kapag nakumpirma at nalaman ang sanhi ng allergy.
"Ina-allow lang po as per guidelines na magbakuna ng magkaiba is for example, sa unang turok sa unang type of vaccine, nag-develop ng severe allergic reaction doon sa bakunang unang itinurok. Then ang second dose niya po ay puwedeng ibang klase ng bakuna... Ito pong tulad ng na-report sa NCR 'yung pag-mix and match, at booster doses, hindi pa po 'yan nire-recommend ng DOH kasi kulang pa po 'yung ebidensiya," sabi ni Dr. Rita Mae Ang-Bon ng DOH Bicol. —LBG, GMA News