Nakunan sa camera ang panloloob ng isang lalaki sa isang tindahan at pagtangay sa natitirang kita nito sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa CCTV na bago nito, nagpalakad-lakad muna ang lalaki sa labas ng tindahan na nasa Barangay Lumbia.
Maya-maya pa, lumakad siya palayo at ginalaw ang CCTV kaya nag-iba ang anggulo para hindi makunan ang pagpasok niya sa tindahan.
Gayunman, nakunan pa rin ang kaniyang krimen dahil mayroong ding CCTV sa loob ng tindahan.
Makikita sa video na nilapitan ng suspek ang kaha saka nilimas ang natirang kita sa drawer.
Tinangay din niya ang CPU ng computer nang lumabas siya ng tindahan.
Mahigit P1,000 ang kaniyang tinangay, ayon sa pulisya.
Patuloy na inaalam ang kaniyang pagkakakilanlan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News