Nadagdagan ang hinagpis ng dalawang pamilya sa Pampanga nang magkapalit ang bangkay ng isang ginang at isang lolo sa punerarya. Ang bangkay ng ginang na balak pa sanang paglamayan ng mga kamag-anak, nailibing na ng mga kaanak ng pumanaw na lolo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing pumanaw dahil sa komplikasyon sa baga ang ginang na si Imelda Rome sa isang pribadong ospital sa San Fernando.

Mula sa ospital, pinuntahan ng mga kaanak sa punerarya ang mga labi ni Rome para masilayan at makuha para maiburol.

"May nalaglag po na isang gamit at nu'ng nakita ko po 'yung gamit na 'yun na may damit, sabi ko sa isang staff ng funeral, 'Sir, wala po akong binigay na gamit sa ate ko, bakit po may gamit po diyan?'" kuwento ni Jerlie Britanico, kapatid ni Rome.

Dahil walang pangalan ang cadaver bag, hiniling ni Britanico sa mga taga-punerarya na makita ang bangkay para makasiguro sila.

"Nakisuyo po ako kung puwede po sana buksan 'yung cadaver bag. Gusto naming i-check kung siya po talaga 'yung aming ate, eh ang problema po, pagtingin po namin sa cadaver bag, isang matandang lalaki ang nandoon, hindi 'yung ate ko," ayon kay Britanico.

Ang mga guwardiya ng punerarya ang nagsabi sa kanila tungkol sa kung anong nangyari sa bangkay ni Rome.

"Mismo po ang security guard ang nagsabi sa amin na nagkapalit po raw ng bangkay. Sila po ang nagsabi sa amin na 'yung aming bangkay ay nai-release na roon sa isang pamilya, na may kumuha kaninang umaga," sabi ni Britanico.

Ang nakakuha sa katawan ni Rome na kamag-anak ng matandang lalaki, kaagad na ipinalibing ang bangkay sa pag-aakalang ito ang labi ng kanilang lolo.

Hindi na rin nila tiningnan ang laman ng cadaver bag dahil lumitaw sa pagsusuri ng ospital na nagpositibo ang matanda sa COVID-19.

Kaya hinanakit nina Britanico, hindi man lang nila nasilayan at naiburol ang mga labi ni Rome.

Samantala, ipinaliwanag ng mga kaanak ng matandang lalaki na nakakuha sa mga labi ni Rome, na nagpasya sila na gawing mabilis ang paglilibing sa inaakala nilang lolo nila.

Pero matapos ang libing.

"Biglang tumawag 'yung ospital na mali po 'yung naibigay sa amin. 'Yung iniyakan po namin, hindi po pala 'yun 'yung lolo namin," sabi ng kaanak ng namayapang matanda.

Hiling ng mga kamag-anak ng matanda, mailibing na sana ang mga labi nito.

Inihayag naman ni Britanico, ang dagdag na pasakit na kanilang pinagdadaanan dahil sa nangyaring pagkakamali.

"'Yung kaniyang asawa na mild stroke na. Nalaman pa na ganiyan ang sitwasyon, lalong lumala. 'Yung anak niya special child, ngayon hinahanap siya. Gustong makita, hindi niya makita," aniya.

Nakipag-ugnayan na sa mga pamilya ng dalawang namatayan ang lokal na pamahalaan, at nangako ang ospital at ang punerarya na makikipagtulungan.

Sinubukan ng GMA News na makunan ng pahayag ang ospital pero hindi muna sila magbibigay ng pahayag.

Pero sa base sa text message na pinadala ng pamunuan ng ospital sa pamilya ng mga namayapa, ayon sa ibinahagi sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," humihingi ng paumanhin ang ospital sa nangyaring pagkakamali.--Jamil Santos/FRJ, GMA News