Nahuli sa drug buy-bust operation ng pulisya sa General Santos City ang dating World Boxing Council champion na si Eden Sonsona.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News' Unang Balita nitong Lunes, sinabing matagal na umanong minamanmanan ng mga awtoridad si Sonsona dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Pinayuhan din umano ng ibang bosingero si Sonsona na itigil na ang pagkalulong sa droga dahil doon na lang napupunta ang kaniyang kinikita sa pagbo-boksing.
Hindi na nakuhanan ng pahayag si Sonsona dahil sa ipinatutupad na health protocols sa bilangguan.
Huling lumaban si Sonsona noong March 17, 2021 sa General Santos City pero natalo siya sa katunggaling si Rimar Metuda ng Cagayan de Oro City.
Mayo 2015 nang mapanalunan ni Sonsona ang WBC international super featherweight title matapos niyang talunin sa technical knockout ang kalaban si Adrian Estrella ng Mexico.
Naging undercard din siya sa Manny Pacquiao-Joshua Clottey fight sa Arlington, Texas noong sa 2010, kung saan tinalo niya ang kalabang Colombian na si Mauricio Pastrana. —FRJ, GMA News