Saksak sa tiyan ang tinamo ng magpinsan sa Mangaldan, Pangasinan mula sa person with disability na putol ang isang kamay. Ang suspek, nasaktan daw ang damdamin nang paglaruan siya ng mga biktima at gawing "mikropono" ang putol niyang braso.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Gerry Basa, 33-anyos at Rodrigo Nisperos, 34.
Arestado naman ang suspek na aminado sa ginawang krimen na si Jorge Frianeza, 54, ng Barangay Anolid.
Ayon kay Police Lieutenant Jun Wacnag, hepe ng Mangaldan Police Station, nag-iinuman ang suspek at mga biktima na nauwi umano sa pambu-bully ng magpinsan sa PWD.
Noong una ay hinayaan lang daw ng suspek ang ginagawa sa kaniya ng dalawa dahil batid niyang lasing na ang mga ito.
Pero nang nagpatuloy daw ang ginagawa ng mga biktima, napilitan na siyang lumaban.
"Pinaglaruan [yung suspek] ginawang parang micropone yung braso niya. Kaya ayun nainsulto yung suspek," sabi ni Wacnag.
Depensa ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang sarili laban sa ginagawa sa kaniya ng magpinsan.
"Ganito na [kalagayan] 'ko tapos tatawagin pa kong ganun. Sobrang sakit po maam kaya hindi ko na nakontrol ang sarili," pahayag ni Frianeza.
"Wala po silang karapatan na i-bully ako," giit niya.
Dinala sa ospital ang magpinsan at isa sa kanila ang kritikal ang kalagayan at hindi pa rin nakakausap.
Inihahanda na kasong frustrated homicide na isasampa laban kay Frianeza.--FRJ, GMA News