Patay ang driver at ang pahinante ng isang delivery van matapos itong mawalan ng preno at araruhin ang mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Tayabas City, Quezon pasado alas-otso ng umaga nitong Miyerkules.
Sumalpok pa ang ang sasakyan na delivery van sa isang bahay.
Nagsimulang araruhin ng van ang mga sasakyan sa Barangay Lalo at umabot ito sa Barangay Angeles, na itinuturing may pinaka-busy street sa Tayabas.
Mabilis na rumesponde ang mga rescuer mula sa MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office), BFP (Bureau of Fire Protection), at mga barangay opisyal upang matulungan ang mga sugatan.
Hindi bababa sa 10 tao lulan ng mga sasakyan ang nasugatan nang araruhin sila ng delivery van. May mga naglalakad at nakamotorsiklo rin na nadamay.
Sa CCTV footage na ibinigay ng MDRRMO Tayabas, makikitang animo’y lumipad ang mga nasalpok ng delivery van na mabilis ang takbo kaya hindi na nakaiwas ang mga biktima.
Ginagamot ngayon sa Tayabas Community Hospital ang ilang nasugatan, at ang iba naman ay dinala sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Kasaluyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Tayabas City Police. —LBG, GMA News