BORACAY ISLAND, Malay Aklan —Hinikayat ni acting Malay Mayor Floribar Bautista ang mga turista na nagbabakasyon na kumuha ng quarantine pass upang sila ay makapag-ikot sa isla.
Sinabi ni Mayor Bautista sa kanyang Facebook Live address noong Biyernes ng gabi na mas makabubuti umanong may quarantine pass ang mga turista upang malaman sa mga checkpoint na hindi sila residente ng Boracay.
Aabot na sa mahigit 100 pulis ang ipinapakalat ng Malay PNP sa iba't ibang lugar sa Boracay matapos isailallim ang buong barangay ng Balabag sa enhanced community quarantine (EDQ) noong ika-1 ng Abril.
Isinailalim din ang Zones 5 at 6 ng Balabag, at ang Zones 1 hanggang 7 ng Barangay Manocmanoc sa surgical lockdown dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.
Batay sa tala ng municipal health office noong ika-2 ng Abril, umabot na sa 80 na aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala sa mga residente ng isla.
Ayon kay Bautista, maaring makipag coordiante ang mga turista sa hotels na kanilang tinutuluyan.
Nananatiling bukas ang Boracay sa mga turista sa mga probinsiyang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Base sa tala ng Malay Tourism Office, magmula March 1 hangang March 28 umabot na sa 17,193 na turista ang bumisita sa isla. —LBG, GMA News