Humingi na ng paumanhin nitong Biyernes ang mga kawani ng Barangay Muzon ng San Jose Del Monte, Bulacan, kabilang ang opisyal na nag-viral dahil sa pagsasabing kabilang sa "non-essential" goods ang lugaw, sa delivery rider na hindi niya pinahintulutang makadaan sa isang subdivision.
Sa Facebook page ng Barangay Muzon, humingi ng paumanhin ang Barangay Muzon chairman na si Marciano Gatchalian, kasama si Phez Raymundo, ang opisyal na nag-viral na video, pati ang iba pang barangay officers, kay Marvin Ignacio na isang Grab delivery rider.
"Ako po si Phez Raymundo, kawani ng barangay, nakatalaga bilang VAWC desk officer, na humihingi ng paumanhin [hinggil sa] viral video noong nakaraang araw tungkol po doon sa lugaw sa may Harmony Hills," pahayag ni Raymundo.
"Sa iyo Marvin, kung na-offend ka sa aking nabanggit, ako ay humihingi ng paumanhin, kasama na rin po doon 'yung may-ari ng establishment and doon sa mga Grab driver," dagdag ni Raymundo.
Humingi rin ng paumanhin si Raymundo sa publiko, lalo sa netizens na naapektuhan sa insidente.
"Sa mga netizen, alam kong naapektuhan kayo doon sa aking nabanggit. Hindi ko po gusto na ma-offend kayo. Iyon po ay hindi intentional. Dahil iyon po ay late na ng madaling araw iyon, napagod na rin po siguro ako at nagkamali ako ng napili na salita na hindi akma sa aking pinapaliwanag kay Marvin so pasensya po sa lahat at sa publiko," saad ni Raymundo.
"Ako po ay naririto upang makapagbigay ng pahayag, paliwanag, at makahingi na rin ng paumanhin sa ating publiko, sa atin pong kinauukulan, sa mga nakakataas sa ating pamahalaan, at lalong lalo na sayo Marvin, muli akong humihingi ng paumanhin, at saka sa may-ari na rin ng Lugaw Pilipinas," sabi naman ni Brgy. Chaiman Gatchalian.
Sa video na kinunan ni Ignacio na nag-viral nitong mga nakaraang araw, maririnig na iginigiit ng opisyal na hindi "essential" ang lugaw.
Gayunman, sinabi ng Malacañang na kabilang sa essential goods ang lugaw at hindi ipinahihinto ang food delivery operations sa ECQ.
Dagdag nito, pinahihintulutan din ang food delivery services kahit lagpas ng curfew hours.
Nagsalita rin ang Grab Philippines sa gitna ng kontrobersiya, at sinabing kabilang sa essential goods ang lugaw. Sinabi ng Grab na nagdesisyon si Ignacio na hindi na magsampa ng mga reklamo. —LBG, GMA News