Malubhang nasugatan ang isang limang-taong-gulang na lalaki matapos siyang saksakin ng bisita nilang lalaki na nagtangka umanong pagsamantalahan ang kaniyang ina sa Cavite. Ang bata, nakaligtas pero sariwa pa sa kaniyang alaala ang mga pangyayari.
"Kasi wala na pong biyahe 'yung asawa ko po. Bale po nu'ng araw na 'yon, pumunta sila rito, sumama po sa kaniya, bale po parang bisita na po namin siya," pagsasalaysay ni "Jenny," nanay ni "Buboy," sa ulat ni Abby Espiritu sa "Stand For Truth."
Disyembre noong nakaraang taon nang mangyari ang krimen sa GMA, Cavite.
Ayon kay Jenny, dakong 1:00 am nang pasukin sila sa kuwarto ng itinuring nilang bisita.
"Bigla po siyang umakyat sa higaan namin, balak po akong pagsamantalahan, gagahasain po ako," sabi ni Jenny.
"Si Buboy po nagising, bigla siyang sinaksak," pagpapatuloy ni Jenny.
Nagtamo ng dalawang saksak sa tagiliran ang bata.
"Ako ang unang nagising, tapos sumigaw ako kay mama, tapos si mama nagising tapos tinakpan niya (suspek) 'yung bibig ni mama," ayon kay Buboy, na lubos nang naghilom ang mga sugat pero hindi pa rin nawawala sa kaniyang alaala ang lahat.
"Si daddy tinawag ko nang malakas... Sinaksak na ako nu'n eh," pagsalaysay ng bata.
Kitchen knife ang ginamit ng suspek, kung saan tinamaan ang spine at baga ng bata.
"Kaya raw po nagawa niya [suspek] po, naiinggit daw po sa amin na buo 'yung pamilya tapos natukso raw po," ayon kay Jenny.
Nakakulong ngayon an suspek sa Carmona, Cavite na nahaharap sa mga reklamong frustrated rape, frustrated murder, at child abuse.
Kuwento ni Jenny, sa murang isip ng kaniyang anak ay nasasambit ng bata na nais nitong makita ang suspek para gumanti.
Ayon sa clinical psychologist na si Cristina Lope Rosello, hanggang walong-taong-gulang, nagpapatuloy ang pagre-record ng mga bata ng mga nangyayari sa kanila.
"Grabe ang layering ng trauma dito. There is a layering of sexual abuse, there is a layering of physical assault. Ngayon, okay siya, naglalaro siya, he seems normal, walang signs of anything, parang nakalimutan na niya," anang duktor.
;Baka magkaroon ng triggers as he grows older or even in adulthood," sabi ni Rosello, na nagpayong tulungan ang bata na ipaintindi ang pangyayari.--Jamil Santos/FRJ, GMA News