Isang bangkay ng babae na walang saplot na pang-ibaba ang natagpuan sa ilalim ng maliit na tulay sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing walang pagkakakilanlan sa biktima na hinihinalang ginahasa rin.

Isang binatilyo ang unang nakakita sa bangkay na natatakpan ng mga halaman sa ilalim ng tulay sa Barangay Ambonao.

Kuwento ng binatilyo, nakaamoy siya ng masangsang na amoy at hinanap niya ang pinanggagalingan nito. Ang daliri umano ng biktima ang una niyang napansin at nang suriin ay nakumpirma na ang bangkay ng babae.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng itinapon lang sa ilalim ng tulay ang biktima.

May nakita ring mga gamit tulad ng cellphone at saplot pang-ibaba hindi kalayuan sa lugar kung saan nakita ang babae.

Tinatayang nasa edad 35 hanggang 45 ang biktima, may taas na limang talampakan, mahaba ang buhok at may silver na kuwintas.

Hinikayat ng pulisya ang mga nawawalan ng kaanak na tumutugma sa paglalarawan sa biktima na makipag-ugnayan sa kanila.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sinapit ng biktima.--FRJ, GMA News