Nailigtas nitong Sabado ang isang green sea turtle sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigan ng Quezon, pahayag ni Engr. Francis Villanueva ng municipal LGU.
Ayon sa kanya, isang mangingisda ang nag-turn over sa pawikan sa kanilang tanggapan.
Aksidente umanong pumasok ang pawikan sa isang baklad o fish pen.
Sinuri agad ng mga awtoridad ang pawikan kung may sugat ito.
Umabot sa 1.3 metro ang haba ng babaeng pawikan, at may bigat na sa 120 kilos.
Matapos matiyak na malakas at malusog ang pawikan, nilagyan kaagad ito ng tag or marka ng mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Nagtulong-tulong ang mga Bantay Dagat at PNP na madala ang pawikan pabalik sa malalim na parte ng dagat.
Ang green sea turtle ay kabilang sa mga endangered species o yung mga nanganganib nang maubos. —LBG, GMA News