Dalawang bangkay ng lalaki na biktima ng "salvaging" ang natagpuan sa Barangay Cabay, Tiaong, Quezon nitong Miyerkules ng umaga.
Nakagapos ng packaging tape ang mga kamay paa, at may nakapulupot din na alambre sa leeg ng mga biktima.
May tama din ng bala ng baril at may mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan ng mga biktima na palatandaan umano na pinahirapan ang mga ito.
Pahayag ng isang barangay kagawad, pasado alas-kwatro ng madaling-araw nang makita ang mga bangkay.
Wala naman daw narinig na putok ng baril ang mga residente sa lugar, pero may mga nakiltang basyo ng bala sa lugar kung saan nakita ang mga bangkay, na hindi pa matukoy kung anong kalibre ng baril ang pinanggalingan.
Habang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang PNP-SOCO, may dalawang tao na dumating sa lugar at nagpakilalang pinsan ng isa sa dalawa sa mga biktima.
Ayon sa mga ito, Rommel Bartolome ang pangalan ng isa na taga Sampaloc, Manila.
Umalis daw ito sa Sampaloc dalawang araw na ang lumipas upang magbenta ng motorsiklo.
Hindi daw nila kilala ang kasama nitong natagpuang patay.
Wala pang isang linggo ang nakararaan ay isang 16-anyos na lalaki na isa ring "salvage victim" ang itinapon sa bayan ng Sariaya, Quezon.
At, ayon sa mga awtoridad, noong nakaraang dalawang linggo, isang babaeng salvage victim naman umano ang itinapon sa Tagkawayan, Quezon.
Nagpapatuloy nag isinasagawang imbestigasyon ng Tiaong Municipal Police Station sa insidente. —LBG, GMA News