Dinakip na ang apat katao sa isang pribadong paaralan sa Davao City kaugnay sa pagkasunog at pagkamatay ng isang estudyante sa loob ng classroom habang isinasagawa ang pageant noong 2019.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Miyerkules, sinabing ang apat na dinakip ay mga taga-Holy Cross College of Calinan, kaugnay sa pagkamatay ni Cherishly Anne Bansag.

Kalahok noon si Bansag sa Mister and Miss Intramurals sa paaralan nang magliyab ang kaniyang costume nang madikit sa kandila.

Nagtamo ng matinding sunog sa katawan ang biktima at namatay.

Dinakip ang apat matapos magpalabas ng arrest warrant ang korte laban sa mga akusado na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.--FRJ, GMA News