Ipinatawag ng Department of Environment and Natural Resources ang isang grupo ng mga hiker matapos silang mahuli na pumitas ng endangered pitcher plant sa Marinduque. Ang grupo, posibleng makasuhan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa Facebook post ng DENR Office sa Marinduque ang iba't ibang uri ng mga halaman na pinitas ng mga naturang hiker.
Sa larawan, isang lalaki ang makikitang may hawak ng isang bungkos ng endangered na pitcher plant.
Bibihira lamang ang ganitong halaman kaya bawal itong kunin mula sa mga kagubatan.
"Based on the post sa internet, nakita natin 'yung species na very rare na pitcher plant. Ito 'yung talagang nasa top 10 natin na ipinagbabawal na kunin dito. 'Yun 'yung nakita nating mga ebidensiya na puwedeng gamitin when we file our case against them," paayag ni DENR Undersecretary Jonas Leones.
Ipinatawag na ng ahensiya ang mga hiker para makapagpaliwanag.
Humingi na ng paumanhin sa DENR ang mga magkakabarkadang hiker.
"Humihingi po ako ng pasensiya at paumanhin, sadyang nadala lang po kami sa mga kagandahan ng halaman," sabi ng isang nasangkot na hiker.
"Ako po'y humihingi talaga ng sorry, pinagsisisihan po naming lahat. Hindi ko rin po alam," anang isa pang hiker.
Ibinalik ng mga hiker ang mga pinitas na halaman, pero nanuyo at nalanta na ang iba.
Patuloy na tinutukoy ng DENR ang iba pang halaman na nakuha ng grupo kapag naibalik na ang mga ito.
"We are consolidating our information and soon we will be filing cases against these illegal collectors ng wildlife," pahayag ni Leones.
Maaaring maharap sa kasong paglabag sa Wildlife Act of 2001 na may katumbas na multang P10,000 to P1,000,000 at pagkakakulong ng 10 araw hanggang 12 taon. —LBG, GMA News