Isinailalim sa state of calamity ang aabot sa 66 na barangays sa bayan ng Bayambang sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa pag-atake ng harabas o armyworms sa mga taniman ng sibuyas.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing hindi na umano mapapakinabangan pa ang halos 1,500 ektaryang taniman ng sibuyas dahil sa pamiminsala ng harabas.
Gagamitin ng lokal na pamahalaan ang calamity fund nito upang tulungan ang mahigit 1,400 na mga magsasaka na apektado ng pesteng harabas.
Matatandaang noong 2016, mahigit 500 ektarya ng sibuyasan ng lalawigan ang napinsala sa pag-atake ng armyworms. —LBG, GMA News